Inihayag ni Bea Millan-Windorski ang kaniyang pasasalamat sa suporta ng mga kababayan matapos maging 3rd Runner-Up sa Miss Universe 2026.

"Maraming salamat po mga kababayan," panimula ng beauty queen mula La Union sa kaniyang Facebook post.

"Pinaglaban kita hanggang dulo, mahal kong Pilipinas," dagdag ni Bea.

Kinoronahang Miss Universe 2026 si Jennifer Barreto ng Puerto Rico, habang 1st Runner-Up ang Dominican Republic.

Second Runner-Up ang Venezuela, at si Miss New Zealand ang kumompleto sa Top 5.

Ibinuhos ni Bea ang kaniyang husay sa kompetisyon. Pinahanga niya ang mga manonood sa preliminaries sa kaniyang Sulu Sea-inspired evening gown, at ang pagbibigay-pugay sa mga kababaihan ng Kalinga para sa kaniyang pambansang kasuotan.

Sa Q&A, tinanong si Bea na, "What does the world need most from its leaders right now?" Idiniin niya ang kaniyang pagiging environmentalist at sinabing kailangan ng mga lider na, "to listen to nature and realize we have much to learn."

"I volunteered with sea turtles for the past 10 years, and what we’ve often heard of crab mentality or turning one another down, turtle mentality is the opposite," pagpapatuloy niya.

"The strongest sea turtle hatchlings actually stay behind in the nest to help their weaker brothers and sisters out and into the sea. I wish that our world leaders would embrace the same mentality and realize that when one rises, we all rise," sabi pa niya.

--Jamil Santos/FRJ GMA News