Isang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP CIDG) ang patay sa pamamaril pasado hatinggabi ng Huwebes sa Pasig City, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Dobol B sa News TV.

Kinilala ang biktima na si Police Officer 2 Manuel Melendres na naka-assign sa Camp Crame, ayon na rin kay CIDG director Superintendent Amador Corpuz.

Batay sa testimonya ng asawa ni Melendres, kababa lang ng kanilang van ng biktima at papasok na sa kanilang bahay sa Barangay Caniogan nang ito ay pagbabarilin.

Tatlong basyo ng bala ang natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.

Sinisilip na ng mga imbestigador ang CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen para matukoy ang suspek. —KBK, GMA News