Patay ang isang radio anchor matapos pagbabarilin sa kaniyang panaderya sa Barangay San Roque sa Daraga, Albay nitong Lunes ng hapon.
Ayon sa Police Regional Office 5 (PRO 5), bumuo na ito ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa paglutas sa kaso ng pagpatay sa biktimang si Adrian Loterte, na kilala rin bilang si “Golden Boy.”
Sa pahayag ng Presidential Task Force on Media Security, inilahad nito na kilala ang biktima na bumabatikos sa mga ilegal na aktibidad ng mga politiko at ilan negosyante.
Sa kuha ng CCTV footage, makikita ang salarin na tumakbo patungo sa naghihintay na motorsiklo matapos pagbabarilin ang biktima.
Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Sa hiwalay na pahayag, nangako si Police BGEN Randy Glenn Silvio, Regional Director ng PRO-5, na hahanapin at pananagutin ang mga nasa likod ng pagpatay kay Loterte.
Police Regional Office 5 (PRO 5), bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Adrian Loterte sa Albay. | via @MMakalalad https://t.co/RuIEWdGTBy
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 13, 2026
Ayon sa PNP, walang natanggap na banta sa buhay ang biktima.
Kabilang sa mga anggulong iniimbestigahan ang posibilidad na may kaugnayan sa personal na buhay at trabaho ang pagpaslang sa biktima. – FRJ GMA News
