Bahagyang nasugatan ang aktor at dancer na si Wowie De Guzman matapos bumangga sa kongkretong harang ang minamaneho niyang sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Sto. Tomas City, Batangas, madaling-araw nitong Martes.

Batay sa impormasyon mula sa Sto. Tomas Police, iniulat ng GMA News stringer na si Marlon Luistro, na naganap ang aksidente dakong 4:00 am sa Barangay San Bartolome.

Ayon sa aktor, nakaidlip siya habang nagmamaneho kaya bumangga ang kaniyang sasakyan sa mga kongkretong harang sa gitna ng highway.

Nagkaroon ng pasa si Wowie sa hita. Gayunman, nag-deploy ang airbag ng sasakyan nang mangyari ang insidente na nakatulong upang maiwasan ang mas malubha niyang pinsala.

Hindi naman nasaktan ang dalawa pa niyang kasama sa sasakyan.

Pabalik na umano sa Maynila ang grupo matapos dumalo sa isang pagtatanghal sa Guinayangan, Quezon, nang mangyari ang aksidente.

Sa isang Facebook post, tiniyak ni Wowie sa publiko na maayos ang kaniyang kalagayan matapos ang insidente.

“Fyi guys...relax po. Thankfully ok po ako.Walang serious injury im 100% ok. Kayang kaya na mag warm up mamaya. Kagigising lang now dito sa Pampanga,” saad niya. —Carby Rose Basina/FRJ GMA News