Sariwa pa sa alaala ng batikang aktor na si John Aricilla ang pelikulang ginawa nila ni Rossana Roces na “Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin,” na naglunsad sa kaniya bilang leading man sa pelikula mula sa kaniyang pagiging theater actor.

Sa panayam ni Susan Enriquez sa “Kay Susan Tayo Vlogs,” ibinahagi ni John na nagsimula siya sa pagiging aktor sa teatro, at nakikila dahil sa ginawa niyang TV commercial na may linyang: “Coffee Na Lang Dear.”

Kasunod ng naturang commercial, nakuha na si John na lumabas sa mainstream movie na “Sa’yo Lamang.”

Gayunman, nagpatuloy pa rin sa paggawa ni John ng proyekto sa teatro, at napanood siya ng batikang aktres at film producer na si Armida Siguion-Reyna, na kilala rin sa tawag na Tita Mid, habang gumaganap sa karakter bilang si Jose Rizal.

Nang panahon na iyon, ilulunsad umano ni Armida si Rossana bilang isang ganap na aktres mula sa paggawa ng mga sexy movie.

Ayon kay John, naniniwala si Armida na mula sa pagiging sexy star, kayang maging isang ganap na aktres ni Rossana.

Pagbahagi ng aktor, pinili siya ni Armida na maging leading man ni Rossana sa pelikulang “Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin,” noong 1997.

Tinanong umano siya ni Armida kung nais niyang maging isang legitimate leading man sa mainstream na kaniya namang tinanggap.

“Why not? Kasi ‘pag sinabi mo noon na Reyna Films mga ano lang ‘yan Maricel Soriano, Snooky Serna, Dina Bonnevie, Richard Gomez, ano lang ‘yan mga number one na mga matinee idol at saka mga aktres, yun lang ang kinukuha,” sabi ni John,

“Eh napasama ako, sabi ko, “Woo! Ano ibig sabihin nito?!,” masaya niyang pag-alaala.

At habang gumaganap siyang si Rizal sa teatro, inalok siya ni Armida na makapareha si Rossana sa pelikula.

“Sabi daw ni Tita Midz, ‘Ano kayang sasabihin ng tao kapag nakita nila si Jose Rizal na nakapatong kay Rosanna Roces?” ‘Yon ang eksaktong sinabi ni Tita Midz. Kasi si Paul [na karakter niya] probinsiyano na very conservative. Tapos conservative siya na biglang na-inlove sa isang woman of the world,” ayon kay John.

Aminado si John na napatanong siya sa sarili nang gagawin na nila ni Rossana ang kanilang love scene at nilalagyan na sila ng “plaster” o pantakip sa maselang bahagi ng katawan.

“Sabi ko, ‘Ano ba ‘tong ginagawa ko,’” natatawang pag-alaala ng aktor.

Gayunman, sinabi ni John na kahit may maselang eksena, kilala ang Reyna Films ni Armida na tunay na “art” ang proyekto.

Patuloy ni John, kinabahan siya sa unang pagsalang niya sa sexy scene nila ni Rossana. Pero nagkaroon din siya ng lakas ng loob na gawin ang maselang tagpo sa tulong na rin ng aktres, na nagsabi sa kaniya na nanginig din siya noon nang una siyang gumawa ng sexy scene.

“Tapos nung sinabi ni Rosanna Roces ‘yon na ‘Ako mismo John nung first time, nanginginig ako,’ Áh dive ako sa eksena, go!,” pagbahagi niya.

Ayon kay John, all out ang pagiging supportive sa kaniya ni Rosanna nang gawin nila ang naturang pelikula.

Pero papaano naman kaya nakuha ni John ang sikat niyang karakter bilang si “Heneral Luna” sa pelikula? Panoorin ang buong panayam sa aktor sa video. – FRJ GMA News