Patay ang isang lalaki sa Davao City matapos manlaban nang hainan ng warrant of arrest ng mga pulis dahil sa pagnanakaw ng cellphone, ayon sa ulat ni RGil Relator sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes.

Na-huli cam ang pagnanakaw ng cellphone ng dalawang lalaking nakaitim at nakaputing t-shirt sa isang internet café sa bayan ng Mintal nitong nakaraang linggo.

Huwebes ng gabi, naghain ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Sta. Ana Police Station laban sa nakaitim na suspek na si Jeff Ross Guday alyas Hapon.

Pero imbes na sumuko, pinaputukan daw ng baril ng suspek ang mga aarestong pulis.

Nang-hostage pa ang suspek  kaya ito nabaril at napatay ng pulis.

“Nagkabarilan sila, tapos may babae doon na ginawa niyang hostage. Bale ginawa niyang panangga at nagtago siya sa likod nito," sabi ng hepe ng Sta. Ana Police na si Police Chief Inspector Micheal Uyanguren.

Nailigtas naman babaeng hostage.

Bukod sa pagnanakaw sa internet cafe, nasangkot din daw si Guday sa ilan pang kaso ng pagnanakaw.

“May mga kasama siya sa Tugbok, Toril, at Sta. Ana area sila nagnanakaw,” sabi ni Uyanguren.

Labas-masok na sa kulungan si Guday. Ang huling kasong kinaharap niya ay pagbebenta ng ilegal na droga.

Patuloy pa rin ang pagtugis sa kasama ni Guday sa pagnanakaw sa internet cafe. —LDF, GMA News