Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na isauli sa kanilang mga kostumer ang labis nitong nasingil na tinatayang P2.64 bilyon.
Ayon sa ERC, isasagawa ang refund sa average na halagang P0.1020 kada kilowatt-hour sa loob ng humigit-kumulang anim na buwan.
Nakasaad ang kautusan na inaprubahan ng ERC noong Oktubre 9 sa ERC Case No. 2026-129 RC. Pinagkalooban nito ang Meralco ng provisional authority kaugnay ng true-up ng mga singil sa distribusyon ng kuryente mula Enero hanggang Hunyo 2026. Ito ang huling saklaw na panahon na sakop ng confirmation process ng ERC.
Sa prosesong ito, sinuri ng ERC kung tumutugma ang mga singil sa distribusyon na ipinataw ng Meralco sa mga kostumer nito sa halagang pinahintulutang kolektahin, batay sa aktuwal na kita at benta ng kuryente.
"This 'true-up' uses the Actual Weighted Average Tariff (AWAT), which Meralco computes from its actual revenues and electricity sales and compares against its approved distribution rate of PhP1.3522/kWh," ayon sa ERC.
Napag-alaman ng ERC na umabot sa P1.5537 kada kWh ang AWAT mula Enero hanggang Hunyo 2026. Nangangahulugan ito na “Meralco’s rates brought in about PhP0.20/kWh, or PhP5.36 billion, more than the approved rate," dagdag nito.
"After adjusting for the effects of earlier refund and true-up decisions, the net amount to be returned to consumers is PhP2.64 billion," ayon sa ERC.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag ng Meralco tungkol sa usapin, at ia-update ang ulat na ito sa sandaling maglabas na ito ng pahayag.
Iminungkahi ng Meralco na isagawa ang refund sa halagang P0.0487 kada kWh sa loob ng 12 buwan. Gayunman, pinaikli ng ERC ang panahon ng pagsasauli sa anim na buwan, sa average na halagang P0.1020 kada kWh.
Ayon sa ERC, makikita ang refund sa mga bill ng Meralco bilang hiwalay na item na may label na “AWAT (Refund)/Collect.”
Magkakaiba ang halaga ng refund depende sa klase ng kostumer:
“The true-up is a safeguard that makes sure what consumers pay always reflects what is fair. When Meralco collects more than it is entitled to, the ERC will make sure it is returned, and that it is returned quickly. By shortening the refund period to six months, we are giving consumers faster relief at a time when electricity prices remain elevated,” ayon kay ERC Chairperson and CEO Atty. Francis Saturnino Juan.
Nilinaw ng ERC na pansamantala ang refund at nakabatay sa paunang pagsusuri ng komisyon.
Muli pang susuriin at ibeberipika ang refund sa pinal na pagsusuri ng ERC sa aplikasyon. Nakatakda ang pagdinig kaugnay nito mula Oktubre 16 hanggang 23. Isasagawa ang anumang kinakailangang pagbabago batay sa magiging resulta ng pagsusuri, ayon sa ERC.
"The ERC will continue to closely monitor the implementation of the refund and require monthly reporting from Meralco until the full amount has been returned,"dagdag nito. —may kasamang ulat mula kay Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA News


