Tinawag na imbento ni Paolo Duterte ang laman ng kumakalat na video sa social media at Youtube na nagpapakita sa isang lalaki na nagdadawit sa kaniya sa mga sindikato ng droga.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang bahagi ng naturang video kung saan isang nagpakilalang "Bikoy,"  'di raw niya tunay na pangalan, na nagsasalita para ipaliwanag ang umano'y koneksyon ni Paolo sa sindikato.

Ayon kay Bikoy, dati raw siyang nagtatrabaho sa isang sindikato na may kaugnayan sa droga.

Mayroon din narrator sa video na may pamagat na "Ang Totoong Narcolist," at nagpapaliwanag din tungkol umano sa operasyon at "tara" ng sindikato .

Inakusahan sa video si Paolo na umano'y nagtatago sa code name na "polo delta-tsg01" at "alpha tierra-0029."

Sabi pa sa video, ito umano ang dahilan kaya naglabas ng fake narcolist ang ama ni Paolo na si Pangulong Rodrigo Duterte upang mailaya raw ang atensyon ng publiko sa tunay na principal ng totoong sindikato.

Buwelta naman ni Paolo sa isang pahayag na nakalagay sa kaniyang social media account, imbento ang mga paratang sa kaniya.

Tila may hinala rin siya kung sino ang nasa likod ng naturang video.

"Galit kay kay Waldo kasi binabara niya lahat ng smuggling mo ng bigas at asukal diba J.S. Galit ka sa akin kasi di kita pinansin sa eroplano kasi hambog ka!," sabi ni Paolo.

Patuloy pa sa pahayag niya, "Ngayon pansinan na kita kasama ng kamay ko na kasing laki ng mukha mo pag nangyari yan. Yan ang totoong balita."

Tinawag naman ng Malacañang na black propaganda ang video.

Samantalang kinuwestiyon ni PNP Chief Oscar Albayalde ang video na hindi raw tatayong ebidensya kahit pa iprisinta sa korte.

"We question the timing also dahil eleksyon po ngayon at kung napaka very unlikely sabi ko nga ngayon lang ako nakakita kung saan merong tara ay nasa formal report pa. Very unlikely na gagawa ka ng formal report at pipirmahan ng kung sino-sino," anang opisyal.

Batid na rin umano ng Philippine Drug Enforcement Agency ang video pero sa ngayon ay hindi raw ito sapat para pagsimulan ng imbestigasyon.

"It's just like any other post in social media not unless po they will provide us or furnish us or any other law enforcement agencies with the copies of the documents they are pertaining to, mahirap pong manghusga o magsabi tungkol diyan sa mga sinasabi po nila," paliwanag ni Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA.-- FRJ, GMA News