Magkayakap nang matagpuan ang bangkay ng dalawang magkapatid na nakulong sa nasusunog nilang bahay, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Martes.

“Nagpatuloy kami ng search ng loob hanggang makita namin doon sa second floor, doon sa kuwarto mismo nila, talagang nandoon yung magkapatid, magkayakap,” ayon sa substation commander ng Tondo Fire Station na si Fire Inspector Jose Troy Juaneza.

Ayon ka Juaneza, posibleng na-suffocate daw ang magkapatid kaya hindi ito nakababa mula sa second floor ng kanilang bahay. May apoy din daw kasi sa pinto palabas ng bahay.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection ang mga biktima na sina Francine Hagunos na 15  anyos at Lance Hagunos na 12 anyos.

Namalengke lang daw ang kanilang magulang pero sa pagbalik nila, nasusunog na ang kanilang bahay sa Soriano Street corner Sandico Street sa Tondo.

Nasa 12 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog kung saan nasa anim na bahay ang natupok. Hindi na kumalat ang apoy dahil sa firewall ng mga kalapit bahay.

Nag-umpisang sumiklab ang apoy bandang 3 a.m. na tumagal ng isang oras. Dineklarang fire out ang sunog ng 4:37 a.m.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagsiklab ng apoy. —Joviland Rita/KBK, GMA News