Isang fliptop rapper ang patay matapos pagbabarilin sa Cavite habang sakay ng motorsiklo.

Ayon sa ulat sa GMA News TV “Quick Response Team” nitong Lunes, sinabing nakaupo sa kanyang motorsiklo si John Ross Delos Santos, mas kilala bilang Lil John sa mundo ng fliptop, nang barilin siya ng salarin sa Imus.

Hinihintay daw ng biktima ang kasamang babae na bumibili ng pagkain sa isang lugar nang biglang lumapit ang isang lalaki at barilin siya sa ulo ng dalawang beses.

Hindi umano residente sa lugar si Lil John at pinupuntahan lang daw ang babaeng kaniyang karelasyon,  ayon sa  pulisya.

Ayon sa hepe ng Imus police,  love triangle ang anggulong tinutumbok ng kanilang imbestigasyon.

Maaari daw nilang ipatawag ang sinasabing ka-live-in ng biktima pati na ang tunay na asawa ng rapper para kunan ng pahayag. —NB/FRJ, GMA News