Papalitan ni dating Taguig City Mayor Lino Cayetano si Dave Gomez bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO), ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo.
Inanunsyo ito ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang limang araw na working visit niya sa Singapore.
“Na-bypass si Dave, so I guess, immediately, at least, who will take his place is Lino,” ayon kay Marcos.
Sinabi pa ng pangulo na pormal na isasagawa ang pagpapalit ng pamunuan sa PCO sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
“It's just a matter of formalizing everything,” saad niya.
Ginawa ni Marcos ang anunsyo sa pagtatapos ng kaniyang limang araw na working visit sa Singapore nitong Linggo.
Si Cayetano ang magiging ika-anim na opisyal na mamumuno sa PCO sa ilalim ng administrasyong Marcos. Nauna sa kaniya sina Trixie Cruz-Angeles, Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, Jay Ruiz at Dave Gomez.
Sa naunang lima, si Gomez ang pinakamatagal na nananatili sa nasabing posisyon na itinalaga ni Marcos sa PCO noong Hulyo 2025, bilang kapalit ni Chavez.
Hindi natalakay ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA)—lupon na kinabibilangan ng ilang kinatawan mula sa Senado at Kamara de Representantes— ang pagkakatala kay Gomez nitong nakaraang Hunyo sa gitna ng sigalot noon sa pagpapalit ng liderato sa Senado.
Samantala, nitong nakaraang Hunyo din itinalaga si Cayetano bilang general manager ng People's Television Network (PTV-4), na nasa ilalim ng PCO.
Kay Gomez nanumpa noon si Cayetano bilang pinuno ng PTV-4, media corporation ng gobyerno.
Bago nito, nagsilbi rin noon bilang alkalde at kongresista ng Taguig si Cayetano, na isa ring television director.
Kapatid siya nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano, na kabilang sa mga miyembro ng minority bloc sa Senado.— may kasamang ulat mula kay Jonathan Andal/FRJ GMA News

