Pumanaw na sa edad 84 ang beteranang aktres na si Erlinda Villalobos.

Inanunsyo ng kaniyang pamilya ang malungkot na balita sa pamamagitan ng Facebook post. Hindi binanggit ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.

"It's never easy to say goodbye to someone who has been such a special part of our lives. Although our hearts are broken, we find comfort in knowing that she no longer have to suffer or feel any pain," saad ng pamilya.

Nagpasalamat ang pamilya sa kanilang minamahal na lola sa ibinahagi nitong pagmamahal sa kanila, sandali at mga alaala.

"You will always hold a special place in my heart, and your memory will forever live on in our family," patuloy nila.

"Rest peacefully, Lola. You will always be a part of me, and no amount of time will ever erase the love we have for you," dagdag nito.

Hindi pa nabanggit ang karagdagang detalye tungkol sa burol at libing ng aktres.

Kilala si Villalobos sa kaniyang pagganap bilang pangunahing tauhan sa comedy-drama movie na “Manang Biring,” sa direksiyon ni Carl Joseph Papa.

Nagwagi ang Manang Biring ng mga parangal na Best Picture, Best Music at Champion Bughaw Award sa Cinema One Originals Digital Film Festival.

Napanood din si Villalobos sa iba't ibang pelikula at serye sa telebisyon, ang “Lolong” at “Alyas Robin Hood.”—Nika Roque/FRJ GMA News