Isang estudyante ang nasawi  at anim na iba pa ang sugatan nang araruhin sila ng isang jeepney habang tumatawid sa pedestrian lane sa Makati City ngayong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi," makikita na naka-stop ang traffic light para sa mga sasakyan kaya tumawid na ang grupo ng mga estudyante.

Pero biglang sumulpot ang humaharurot na jeepney na minamaneho ni Rizaldy Samparong at inararo nito ang mga biktima na halos makakatawid na sa kanilang bahagi ng kalsada.

Sa video, makikitang iniwasan ng jeep ang nakatigil na kotse at sinalubong ang kabilang linya kung nasaan ang mga nadisgrasyang mga bata.

Sa lakas ng pagkakasagasa, tumilapon ang ilang bata at may pumailalim din sa sasakyan.

Nasawi sa naturang insidente si Jules Villapando.

Kaagad namang sumaklolo ang mga taong nakakita sa trahediya.

Ayon sa Makati Traffic Bureau, ikinatwiran ng driver ng jeep na nawalan siya ng kontrol sa pagmamaneho.

Inaresto siya at mahaharap sa patong-patong na reklamo.-- FRJ, GMA News