Natangayan ng sasakyan ang isang "plantita" na bibili lang sana ng paso sa Quezon City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nag-park lang daw sandali si Diane Canaveral sa Commonwealth Avenue sa Barangay North Fairview para bumili ng mga paso ng bulaklak na matangay ang kaniyang sasakyan.

Sumalisi raw ang carnapper dahil iniwang idling ang sasakyan.

Natagpuan ang sasakyan sa may Barangay Greater Fairview matapos lamang ang 20 minutos ng mga miyembro ng Tactical Response Motorcycle Unit ng pulisya. Ayon sa mga saksi, inabandona ito ng isang lalaki.   —KBK, GMA News