Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kaniyang pinsan dahil sa away-trapiko sa Rosario, Cavite, ayon sa ulat ni Mai  Bermudez sa Unang Balita nitong Huwebes.

Bibili lang daw sana ng cake ang 19-anyos na biktimang si Gregorio "Jeric" Bunio bilang pasasalamat sa kaniyang supervisor matapos siyang ma-promote sa trabaho nang mabaril siya sa parking lot ng isang restaurant. 

Sugatan naman ang pinsan at kasama ng biktimang si Junie Catapang.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nasagi ng naka-kotseng salarin ang mga biktima na noo'y sakay ng motorsiklo. Imbes na mag-sorry ay pinagmumura pa raw nito ang mag-pinsan.

Kahit hindi na raw umimik ang dalawa ay pinagbabaril pa rin sila ng salarin gamit ang caliber 45.

Sa tulong ng mga saksi ay nakilala ang suspek na si Edwin Lontoc Jr. na residente umano ng Kawit, Cavite.

Ayon sa pulisya, kilalang siga at mahilig manutok ng baril si Lontoc, na kasalukuyan nang pinaghahanap ng otoridad. KBK, GMA News