Tatlo ang patay at nasa 64 na iba pa ang sugatan nang muling mag-riot ang dalawang pangkat ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison nitong Lunes ng umaga, ayon sa Department of Justice.

"That is the current count that reached us but we were told this might not be final yet," ayon kay Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar.

Anim sa mga nasugatan ay dinala sa Ospital ng Muntinlupa, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ilang tauhan din sa NBP ang nasugatan.

Ayon sa BuCor, nagsimula ang kaguluhan sa pangkat ng Sputnik at Commando sa maximum security compound dakong 8 a.m. at nakontrol lamang pagkaraan ng dalawang oras.

"[The] NBP is back to normal operations as of this time and everything is under control," sabi ng BuCor dakong 3 p.m.

Noong nakaraang buwan, nagsagupa rin ang dalawang grupo kung saan anim na bilanggo ang nasawi.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagsagawa ng clearing operation ang mga awtoridad.

Inatasan din niya ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang insidente.

Kasama raw sa iimbestigahan ay kung may kapabayaan ang BuCor.

"Definitely. These BuCor officials should have learned their lesson from the previous violent incident where several PDLs (persons deprived of liberty) were killed," pahayag niya sa ipinadalang mensahe.

Kamakailan lang, nagsagawa ng programa ang BuCor na burahin ang mga tatak o tattoo ng pangkat ng mga bilanggo.

Nagsagawa rin sila ng paghalungkat sa mga nakatagong armas ng mga bilanggo sa mga selda.--FRJ, GMA News