Napatay ng magkapatid ang sarili nilang kuya nang awatin nila ito sa ginagawang pambubugbog sa ka-live in sa Bacolod City.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na lasing umano ang biktima nang pagsusuntukin nito ang kaniyang kinakasama.

Inawat siya ng kaniyang mga nakababatang kapatid pero nagalit ang biktima at kumuha ng patalim.

Pero naagaw ng isang kapatid ang patalim at natamaan ang biktima sa leeg at natumba.

Kumuha naman ng kahoy ang isa pang kapatid at pinagpapalo naman ang biktima.

Nasawi ang biktima, na ayon sa pamilya ay gumagamit din umano ng droga.

Inaresto ng mga awtoridad ang magkapatid dahil sa ginawa nila sa kanilang kuya.

Pero mapapalaya din umano ang dalawa dahil nagdesisyon ang pamilya na huwag nang magsampa ng kaso.--FRJ, GMA News