Patay sa pamamaril nitong Miyerkules ng gabi ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Quezon City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing tadtad ng bala ang katawan ng biktima na nakahandusay sa madilim na bahagi ng sidewalk sa kahabaan ng Congressional Avenue Extension.

Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay pasado alas-onse ng gabi. 

Agad umanong rumesponde ang mga pulis, ngunit wala ni isang nakasaksi sa pamamaril. Wala rin umanong CCTV sa lugar. Narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala ng baril. 

Hind pa matukoy ng mga pulis ang pagkakilanlan ng biktima.

Ayon sa mga taga-barangay, mga ilang beses na umanong may natagpuang bangkay sa lugar, sa madilim na bahagi nito. 

Iniimbestigahan na ang insidente. —LBG, GMA News