Patay ang isang rider sa Valenzuela City na nasagasaan ng truck at tinakbuhan umano driver nitong Martes ng gabi.

Iniulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Miyerkules na "dead on the spot" ang rider sa insidente na nangyari sa McArthur Highway dakong 10:30 na gabi.

Hinala ng mga awtoridad, maaaring natumba muna ang rider bago masagasaan dahil wala umanong nakitang damage sa motorsiklo.

Tinakbuhan ng nakasagasang truck ang biktima.

Sa inisyal ng imbestigasyon ng mga pulis, sinabi ng mga nakasaksi na hindi naplakahan ang truck na kulay Blue.

Iniimbestigahan na ang mga CCTV sa lugar upang matunton ang naturang truck. —LBG, GMA News