Huli sa CCTV sa Tondo, Maynila, ang panghahabol ng itak ng isang ama sa sarili niyang anak.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, makikitang may dalang itak si Jojo Gesmundo habang hinahabol ang anak na si Jomar Pano na may hawak ding itak at pamalo.

Makikita ring binato ni Pano ang kaniyang ama nang makalapit ito pero tuloy pa rin ang paghabol nito sa kaniya.

Inawat ng mga pulis ang mag-ama at dinala sa barangay. Sinubukan silang pagbatiin pero tumalikod lang ang ama.

Napag-alaman na ilang beses nang sinaktan at hinabol ng itak ni Gesmundo ang anak kapag nakakainom. Sa kabila nito, hindi na nagsampa ng reklamo ang anak. —KBK, GMA News