Hindi pa rin pabor si Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad sa ngayon ng face-to-face classes, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

“Nagdesisyon na po ang ating Presidente na wala pa ring face-to-face classes,” sabi ni Roque nitong Lunes.

“Ayaw niya malagay sa alanganin ang buhay ng mga mag-aaral at guro habang wala pang nababakunahan sa bansa,” dagdag pa ng opisyal.

Sa Marso ay inaasahang isasailalim sa mas maluwag na modified general community quarantine ang bansa para unti-unting buhayin ang ekonomiya.

Ayon kay Roque, posibleng payagan ang face-to-face classes sa Agosto sa mga lugar na mababa na ang COVID-19 cases.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senador Bong Go na nag-aalinlangan si Duterte na payagan na ang face-to-face classes dahil pa rin sa panganib ng COVID-19 pandemic.

"Mismong si Pangulong Duterte ay nag-aalangan pa at ayaw niya munang payagan ang face-to-face classes. Delikado pa po daw kasi ang panahon," anang senador.

"Takot si Pangulo dahil ayon sa kanya, we are dealing with life here. Pwede namang sa next regular opening ng school year sa July o kapag ligtas na," patuloy niya.

Bagaman pabor ang karamihan sa mga alkalde ng Metro Manila na ilagay sa MGCQ ang rehiyon, nagbabala si Dr. Guido David ng OCTA Research Team sa panganib na posibleng sumipa ang kaso ng COVID-19 kapag inilagay ang buong bansa sa mas maluwag na quarantine status.

Hanggang ngayon, wala pa ring bakuna na panlaban sa COVID-19 ang dumating sa bansa na unang inasahan na darating ngayong kalagitnaan ng Pebrero.—FRJ, GMA News