Patay sa pamamaril ang isang negosyante sa Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si John Carlo Estenber, 25, na binaril sa harap ng maraming tao sa Barangay 731.

Kuha sa video ang paglabas ni Estenber sa kaniyang paupahan kasama ang isa pa bago siya barilin. Wala raw alam ang mga opisyal ng barangay na kaaway ng biktima.

Dating marino si Estenber na nag-negosyo ng paupahan matapos bumaba ng barko. Rumerenta siya ng mga bahay at ipapaupa niya ang mga kuwarto nito sa mga kilala niyang marino o naga-apply maging seaman.

Ayon sa mga malalapit sa biktima, baka raw may kinalaman ang negosyo sa pamamaslang. Dati raw nitong naikuwento na may nagbabala sa kaniya na mag-ingat.

Duda rin ang mga kaanak ng biktima na pagnanakaw ang motibo dahil hindi kinuha ng gunman ang bag nito na may lamang pera at mahahalagang bagay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. —KBK, GMA News