Arestado sa Maynila ang mag-asawa dahil umano sa pagpapanggap na opisyal sila ng Professional Regulation Commission (PRC).

Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes, nagpapabayad daw mula P4,000 pataas ang dalawa kapalit ng pagpasa sa board exam. Nagpapakilala raw ang dalawa na board member ng PRC.

Nagpakilala raw na Armi Liquid ang babae pero Julita Toledo raw ang pangalang ginagamit nito kapag nambibiktima. Kinilala naman ang asawa niya na si Mario Liquid, na kasabwat niya umano sa panloloko.

Nabuking ang modus ng mag-asawa nang makatanggap ang pulisya ng tip mula sa isang anonymous caller.

Nang ipa-verify sa PRC ang dalawa, nalaman ng otoridad na hindi sila lehitimong board members ng ahensiya.

Nahaharap ang mag-asawa sa patung-patong na reklamo. —KBK, GMA News