Napaanak na lang sa sasakyan ng Quezon City Task Force Disiplina ang isang ginang matapos umanong hindi siya tanggapin sa isang ospital.

Kuwento ni Ronessa Gelotin, staff ng Task Force Disiplina, pauwi na sila noon nang parahin sila ng isang lalaki sa IBP Road, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sabi ng lalaki, manganganak na raw ang kanyang misis.

Hindi raw tinanggap sa isang ospital ang ginang dahil wala itong swab test.

Isinakay ng Task Force ang ginang at ang kanyang mister sa sasakyan.

Pero sa sasakyan na pumutok ang water bag o panubigan ng ginang at napaanak na ito.

Agad namang dinala ng QC Task Force ang mag-ina sa isang klinika. —KG, GMA News