Arestado ang isa umanong snatcher matapos hablutin ang cellphone ng aktres at vlogger na si Alex Gonzaga sa Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Ayon kay Makati Sub Station 7 Commander Police Captain Edison Mabaet, nasa loob ng sasakyan ang aktres sa EDSA nang tangayin ng tatlong suspek ang cellphone nito.

Hawak umano ng assistant ng aktres ang cellphone para sana kunan ng larawan ang isang billboard sa EDSA nang hablutin ito ng mga suspek nitong Miyerkoles nang hapon.

Agad na hinabol ng driver ng aktres at ng mga nagpapatrolyang pulis sa lugar ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa sa kanila.

Sa kabila nito, hindi narekober sa suspek ang cellphpne ng aktres kaya nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad kung saan narekober ang gamit ng aktres.

Nabatid na ibebenta na sana ang cellphone ng aktress na nagkakahalaga ng halos P80,000 nang marekober ito ng mga awtoridad.

Ayon kay Mabaet, agad din pinalaya ang suspek dahil hindi na nagsampa ng reklamo ang aktres matapos na marekober ang kaniyang cellphone. —Luisito Santos/KBK, GMA News