Natagpuan sa isang basurahan sa may P. Noval St. sa sampaloc, Maynila ang isang fetus na isinilid sa isang ecobag.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, napansin umano ng isang basurero na mabigat ang basura sa loob ng isang ecobag, at nang buklatin niya ito, doon nakita na fetus.

Ine-report kaagad ito ng basurero sa barangay.

Sinundan ng barangay ang mga kuha ng CCTV sa lugar hanggang sa matuntun nila ang babaeng nagtapon sa fetus.

Agad nilang dinamput ang babae na bigla naman umanong hinimatay sa gitna ng pagtatanong ng kapitana ng barangay.

Inamin din ng babae kalaunan sa harap ng mga pulis na siya ang ina ng fetus.

Ayon sa kapitana, pinilit daw ng babae na ilabas ang bata dahil kailangan na niyang pumasok sa trabaho.

Dinala sa pagamutan ang babae dahil bumaba umano ang blood pressure nito.

Isasailalim ang suspek sa inquest proceedings paglabas niya sa ospital. —LBG, GMA News