Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Minglanilla sa Cebu na hindi sila magsasagawa ng Christmas Party ngayong taon dahil sa banta ng Super El Niño.

Sa ulat ni John Kim Bote ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, inihayag umano ng lokal na pamahalaan na sa halip na gumastos sa Christmas party, gagamitin na lamang ang pondo para rito sa paghahanda sa epekto ng inaasahang matinding tagtuyot sa kanilang nasasakupan.

Gayunman, kahit walang Christmas party, itutuloy pa rin nila ang nakatakdang Christmas lighting activity para maramdaman pa rin naman sa kanilang bayan ang diwa ng Pasko.

Bago nito, inilunsad ng Minglanilla ang kanilang El Niño Taskforce na magsasagawa ng proactive approach para tugunan agad ang magiging epekto ng kalamidad na idudulot ng matinding init ng panahon. –FRJ GMA News