Dalawa ang patay at dalawa ang sugatan sa isang aksidente sa C5 flyover sa Pasig City nitong Lunes ng madaling araw.

Yuping-yupi ang kotse at basag ang windshield nito, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News.

Nangyari raw ang aksidente ng 2:36 a.m. sa northbound lane ng C5 flyover.

 

 

Dinala na sa ospital ang dalawang nakaligtas na sakay ng kotse, kabilang ang driver.

May dalawa namang babaeng sakay na naipit at binawian ng buhay.

Idineklara ng isang doktor ng Pasig City General Hospital ang kanilang pagpanaw.

Matapos nito ay sinimulan na ang extrication ng 5:45 a.m.

Bago mag-alas sais ng umaga nang matanggal sa sasakyan ang bangkay ng dalawang biktima.

Ayon sa driver na nakaligtas, galing silang Makati at papuntang Marikina nang mangyari ang aksidente.

Kinumpirma naman ng mga kaanak na umalis ng Makati ang mga sakay ng kotse bago mag-alas dos ng umaga.

Ayon naman sa ulat ni Mark Makalalad sa Dobol B sa TV, ang nakaligtas ay ang driver na lalaki at ang nasa mismong likuran nitong pasahero na lalaki rin.

Ang mga nasawi naman ay ang dalawang babaeng nakaupo sa kanang bahagi ng kotseng Mitsubishi Mirage.

 

 

Kuwento raw ng driver sa mga rumesponde sa aksidente ay nabundol sila ng isang truck at tinakbuhan sila nito. â€”KG, GMA News