Patay ang isang lalaki sa Tondo, Maynila nang aksidente umanong mabaril ng kaniyang kaibigang pulis.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jayson Capistrano, residente ng Barangay 183 sa Gagalangin, Tondo.

Sumuko naman ang suspek na si Police Corporal Oliver Ferrer, na kaibigan ng biktima. Kasama niyang isinuko ang kaniyang baril.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Ferrer habang kaharap at kausap si Capistrano sa labas ng bahay. Nandoon din ang ilan pang residente.

Maya-maya pa, bumunot ng baril si Ferrer na biglang pumutok at tinamaan ng bala sa tagiliran ang biktima.

Bumagsak si Capistrano at mabilis siyang isinugod sa ospital pero binawian din ng buhay.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.

Labis naman ang sama ng loob ng asawa at ama ng biktima.

"Gusto kong mamatay din siya, walanghiya siya. Gusto kong mamatay din siya. Pagbayaran niya ang ginawa niya sa asawa ko," umiiyak na pahayag ni Liezel Soriano, asawa ng biktima. --FRJ, GMA News