Nasayang ang buhay ng isang 18-anyos na dalaga nang tamaan siya ng bala ng "sumpak" na pinaputok ng nagra-riot na dalawang grupo ng kabataan sa Tondo, Maynila. Apat ang naaresto, tatlo sa kanila--menor de edad.

Sa ulat si Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Felyn Pelingon, Grade 7 student.

Isa pang lalaki ang nasugatan sa naturang pamamaril pero nakaligtas.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay 102 sa Jacinto St dakong 1:00 am na oras ng curfew, makikita ang pamamato ng isang grupo ng kalalakihan sa kanilang kalabang grupo.

Pero ang kabilang grupo, armado ng sumpak at nagpaputok.

Doon na tinamaan ang mga biktima na noo'y nakikipaglamay sa lugar na malapit sa pinangyarihan ng riot.

Apat na lalaki ang naaresto kinalaunan at nakuha sa kanila ang isang sumpak.
Tatlo sa mga naaresto ay menor de edad habang 18-anyos naman ang isa pa. --FRJ, GMA News