Nasa 46 katao ang nasawi at maraming iba pa ang sugatan matapos masunog ang isang 13-storey building sa Kaohsiung, Taiwan nitong Huwebes ng umaga.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng fire department ng Kaohsiung, kumalat ang apoy sa ilang palapag ng gusali bago nakontrol ang sunog.

Bukod sa 46 na nasawi, mayroon umanong 41 iba pa ang nasugatan sa sunog.

Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga nasawi ay nakita sa sahig sa ika-pito hanggang ika-11 palapag na nagsisilbing residential apartment.

Wala naman tao sa unang limang palapag na for commercial use. --FRJ, GMA News