Mahigit P2 milyong halaga ng marijuana ang nasabat sa apat na umano'y tulak ng droga na naaresto sa Rizal, Makati City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Target ng operasyon ang umano’y lider ng grupo na si Carlo Nicol na dati na raw nakulong dahil sa kasong droga at miyembro rin umano ng Delos Reyes Drug Group sa Makati.

Dumating din si National Capital Region Police Office chief Police Brigaider General Vicente Danao Jr. para kausapin ang mga nahuli ngunit nagalit lamang ito nang hindi sinagot ng mga suspek ang kanyang mga tanong.

Ayon naman kay Makati Police chief Police Colonel Harold Depositar, malaking grupo ang Delos Reyes Drug Group ngunit 12 sa 20 miyembro nito ay naaresto na.

Dagdag pa ni Depositar, patuloy ang kanilang operasyon upang mabuwag ng tuluyan ang mga drug groups hindi lamang sa Makati kundi maging sa buong Metro Manila. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News