Sako-sako ng mga pinatuyong mais ang tumilapon sa may kanto ng C5 Road at Pasig Boulevard sa Pasig City nitong Sabado ng madaling araw matapos maaksidente ang truck na may karga nito.

Galing daw ang truck mula Isabela patungong Trece Martires, Cavite nang maaksidente ito, kuwento ng driver, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Ayon sa imbestigasyon ng Pasig Traffic, nawalan ng hangin ang air brakes ng truck.

Kumabig pakaliwa ang truck driver papunta sa center island para maiwasan ang mas matinding aksidente.

Tumagilid ang truck at tumilapon na ang mga kargang sako-sakong mais.

Sugatan ang driver sa braso at kamay, ngunit wala namang sugat na natamo ang pahinante.

Walang ibang sasakyang nadamay sa insidente.

Samantala, pansamantalang hindi madaanan ang isang bahagi ng Pasig Boulevard at C5 Road dahil dito. —KG, GMA News