Isang mag-asawang online seller ang mag-iisang buwan nang nawawala at patuloy na pinaghahanap ng pulisya at kanilang mga kaanak, ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Martes.

October 5 daw nang umalis sa kanilang bahay sa Taguig ang mag-asawang sina Noel at Jacky Mercado para katagpuin ang ilang kanegosyo sa Muntinlupa.

Sa kuha ng CCTV sa harapan ng isang commercial complex sa Poblacion, Muntinlupa, makikitang bumaba si Noel sa kanilang sasakyan at may kinausap na babaeng nakapulang pang-itaas.

Mapapansin sa CCTV na tinitignan ng babae ang laman ng sasakyan.

Nang iabante ni Noel ang sasakyan ay nawala na ito sa frame.

Sa kuha ng isa pang CCTV, makikitang umaandar ang sasakyan sa kapareho pa ring kalsada. Mabilis ang takbo nito at nakasindi pa ang hazard lights. Pumapagitna rin ito sa daan.

Isang kulay asul na kotse ang makikitang nakabuntot sa kanila.

Ilang beses nag-counterflow ang sasakyan ng mag-asawa, kabuntot pa rin ang asul na sasakyan. Kumanan ito papuntang Susana Heights at lumiko patungong SLEX.

Sa huling bahagi ng CCTV video kung saan sila nakunan, makikitang nauuna na ang kotseng asul at kasunod na nito ang kotse ng mag-asawa.

Ayon sa mga kaanak ng mag-asawa, batay sa kuha ng CCTV ay si Noel pa rin ang nagmamaneho at katabi niya ang asawa pero may maaaninag na raw na mga nakasakay sa likod ng mag-asawa.

Dito na huling nakita ang mag-asawa.

Patuloy naman ang apela ng mga kaanak sa kung sino man ang may hawak sa mag-asawa na pakawalan sila. Dumulog na sila sa Muntinlupa Police.

Ayon pa sa mga kaanak ng biktima, ni minsan ay hindi nalinya sa iligal na gawain ang mag-asawa. —KBK, GMA News