Nahuli-cam ang pag-snatch sa cellphone ng isang pasahero ng jeep sa kahabaan ng Espana sa Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes.

Makikita sa CCTV ang pagkaripas ng takbo ng snatcher sa kalsada dala-dala ang natanggay na cellphone.

Hindi man nahabol ang snatcher, nahuli naman ng baranggay ang isang kasamahan ng suspek sa tulong ng isang batang lalaking nanlilimos sa mga jeep sa Espana.

Sinubaybayan umano ng bata ang dalawa at tila natunugan na niya na may gagawin silang masama.

Na-corner ng bata ang kasamahan ng snatcher na isang menor de edad. Sa una ay itinanggi pa nito ang bintang hanggang sa makita ang CCTV footage kung saan kasama niya ang snatcher ilang minuto bago ang pagnanakaw. 

Nabawi ang cellphone ng biktima. May tinawagan daw ang menor de edad at ilang sandali lang ay sinauli na ang cellphone.

Sa ngayon ay hawak muna ng Sampaloc Police ang menor de edad habang malaya pa rin ang mismong snatcher.

Hinala ng barangay, kasabwat din ng mga ito ang isang lalaking nanghablot sa isang pasahero ng jeep noong November 3, 2021 sa parehong lugar.

Estudyanteng babae naman ang biktima at hinabol nito ang snatcher.

Ayon sa baranggay chairman ng Sampaloc ay nagpa-patrol sila at madalas mino-monitor ang CCTV para maagapan ang mga ganitong pangyayari. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News