Arestado ng Sta. Mesa Police sa Binondo, Maynila ang isang lalaki na nanggahasa umano ng 13-anyos na babae noong Abril.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si JR Padel, 21-anyos at wanted sa kasong child abuse.

Inaakusahan siyang nanggahasa umano ng 13-anyos na babae sa Baseco Compound nitong Abril.

Malaki ang pasasalamat ng nanay ng biktima sa pagkakahuli sa suspek.

Samantala, dumepensa naman ang suspek at sinabing hindi niya ni-rape ang menor de edad.

Ayon sa kanya ay pinalayas umano ang bata sa kanilang bahay kaya sumama ito sa suspek.

Ang sabi pa raw sa kanya ay ipapa-medical examination ang bata ngunit pitong buwan na ang nakalipas ay wala pa ring naipapakitang dokumento.

Nagulat na lamang daw ang suspek nang may warrant of arrest na laban sa kanya. —Sherylin Untalan/KG, GMA News