Pumanaw habang nasa ospital ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ang nasibak na si dating Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, na nahatulang makulong dahil sa pagpatay sa mag-ina niyang kapitbahay sa Tarlac noong Disyembre 2020.

"This is to confirm the reported death of PDL Joel M Nuezca," sabi sa text message ni Bureau of Corrections spokesman Gabriel Chaclag nitong Miyerkules.

Ayon pa sa opisyal, 6:44 p.m. nitong Martes, November 30, 2021, nang ideklarang wala nang buhay si Nuezca.

Dinala umano si Nuezca sa NBP hospital nang walang malay ng mga kapuwa bilanggo matapos mahilo.

"He was brought unconscious to the NBP Hospital by his cell mates at 6:30 PM yesterday (Nov 30,2021) while walking outside the dormitory purposely to go to the hospital after complaining of dizziness. But while walking, he collapsed," ayon kay Chaclag.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagkamatay ni Nuezca.

Hinatulan ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court Branch 106, si Nuezca na makulong ng hanggang 40 taon dahil sa pagbaril at pagpatay sa mag-inang kapitbahay niya na sina Sonia at Frank Anthony Gregorio.

 Pinagbabayad din siya ng P952,560 bilang danyos sa pamilya ng mag-inang biktima.—FRJ, GMA New