Ipinaaresto ng isang mister sa mga pulis ang kaniyang misis ang umano’y kalaguyo nitong lalaki matapos na malaman kung saang lugar nagsasama ang dalawa sa Toledo City sa Cebu.
Sa ulat ni Norman Mendoza ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing humingi ng tulong sa pulisya ang 31-anyos na mister para mahuli ang kaniyang misis at kalaguyo nito matapos niyang malaman ang kinaroroonan ng dalawa sa Barangay Poblacion.
Nang katukin ng mga pulis ang pinto ng inuupahang kuwarto, bumungad ang misis at nasa loob naman ang lalaki na sinasabing kalaguyo ng babae.
Napag-alaman na higit isang buwan nang nagsasama ang dalawa.
Inamin naman ng lalaki na batid niyang may asawa ang babae nang tanungin siya ng mga pulis.
Nasa kustodiya ng pulisya ang dalawa at mahaharap sa reklamong adultery. – FRJ GMA News

