Lubos ang pagpuri ni Jim Salas, miyembro ng 90s dance group na U.M.D., para kay Mikee Quintos na dating kasintahan ng kaniyang anak na si Paul Salas. Nadulas pa si Jim at may ibinisto tungkol sa dalawa. Alamin.
Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, tinanong ni Tito Boy si Jim tungkol sa mga dating naging nobya ni Paul na sina Mikee at Barbie Imperial.
Ayon kay Jim, may “ok” para sa kaniya si Mikee bilang nobya ni Paul, at mas naapektuhan siya nang maghiwalay ang dalawa.
“Mas naapektuhan ako nang maghiwalay sila [ni Mikee],” saad niya. “Kasi siyempre napakabait na bata naman ni Mikee. Eh hanggang doon lang talaga wala naman akong magagawa."
Sinabihan umano niya si Paul na bata pa sila at kung talagang para sila sa isa’t isa, magiging sila pa rin sa huli.
“Who knows, di ba? 'Pray for it,' sabi ko na lang sa anak ko," dagdag niya.
Idinagdag ni Jim na naging maayos ang paghihiwalay ng kaniyang anak at ni Mikee dahil nananatiling magkaibigan ang dalawa.
Nadulas pa si Jim na nasabing nadidinig niya kung minsan na nag-uusap ang dalawa.
"Siguro nagkakamustahan lang naman. Kasi napakabait naman ni Mikee saka yung mga parents niya, saka sa kapatid niya. Mababait ang mga iyan,” dagdag ni Jim.
Ayon kay Jim, walang nobya sa ngayon si Paul, at sinabi ni Tito Boy na sa kaniyang pagkakaalam ay single pa rin naman si Mikee.
Kabilang ngayon si Mikee sa mga housemate sa "Pinoy Big Brother: Collab Edition 3.0."
Tumagal ng apat na taon ang relasyon nina Mikee at Paul bago sila naghiwalay noong 2025. —FRJ GMA News
