Inararo ng isang pick-up truck ang steel fence na nasa EDSA-Cubao southbound sa Quezon City nitong Linggo ng madaling araw.

Ang steel fence ang nagsisilbing separator sa EDSA-Aurora Underpass at EDSA-Aurora service road, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Sa panayam ni Santos sa driver, galing daw sila sa Maginhawa Street sa Quezon City at patungong Las Piñas City nang mangyari ang aksidente.

Isinailalim ang driver sa breath analyzer test ng mga tauhan ng Land Transportation Office at batay sa resulta nito ay lampas sa allowable limit ang alcohol sa katawan nito.

Hindi naman nasaktan ang dalawang sakay ng pick-up truck. Samantala, wasak naman ang steel fence.

Nagdulot ng mabigat na trapiko sa lugar ang aksidente.

May dumating na na dalawang tow truck mula sa Metropolitan Manila Development Authority sa lugar para mai-tow ang sasakyan. —KG, GMA News