Matutupad na ang pangarap ng isang tindero ng isda sa Albay na magkaroon ng sariling bahay matapos manalo ng P64 milyon sa Grand Lotto 6/55.

Sa inilabas ng pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing tumama ang tindero sa Grand Lotto 6/55 draw na ginanap noong Enero 15, 2022.

Ang naturang winning combination ay  39-29-09-21-19-20, at may kabuuang premyo na P65,991,571.00.

Nang kubrahin ang kaniyang premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong, sinabi umano ng tindero na may anim na anak, na nangungupahan lang sila kaya plano niyang bumili ng kanilang bahay.

Samantala, sa General Trias, Cavite naman nabili ang winning ticket sa Mega Lotto 6/45 draw noong Marso 2, 2022.

Nasolo ng mananaya ang P8,910,000.00 jackpot prize matapos tamaan ang mga lumabas na numero na 02-30-45-42-27-17.

Sa Megalotto 6/45 draw nitong Biyernes ng gabi, Marso, 11, 200, walang tumama sa lumabas na mga numero na 22-34-16-05-11-03, na may jackpot prize na P13,277,158.40.

Hindi rin tinamaan ang kasabay na Ultra Lotto 6/58 draw na may jackpot prize na P 63,412,013.00, at ang lumabas na mga numero ay 13-42-49-30-26-27. --FRJ, GMA News