Patay ang dalawang siklistang nagpapahinga lang sa gilid ng bangketa nang salpukin sila ng isang puting van sa Pasay City nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagpapahinga dakong 9:00 am sa gilid ng bangketa na malapit sa isang mall ang mga biktimang si John Paolo Santos, 22-anyos, at Jericho Aguila, 19.

Pa-U-turn naman ang puting van nang bigla umano itong humarurot patungo sa direksiyon ng mga biktima at inararo niya bago sumalpok sa pader.

Kaagad na nasawi si Santos, habang naisugod pa sa ospital si Aguila, pero binawian din ng buhay.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng van na napag-alaman na 19-anyos lang.

Wala umano itong lisensiya at nakainom pa nang mangyari ang insidente. --FRJ, GMA News