Pinagsasaksak ng isang lalaki ang kanyang kainuman sa Tondo, Maynila matapos umano silang  magkapikunan.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes na nag-iinuman sa isang eskinita sa Barangay 215 ang ilang kalalakihan nang bigla na lang tumayo ang suspek at sinugod ang kanyang kainuman at pinagpapalo at pinagsasaksak.

Sinubukan pang awatin ng isa pang kasama pero tumumba na ang biktima at inudayan pa ng suspek ng susnod-sunod na saksak.

Tumigil lang ang suspek nang dumating ang isang barangay tanod na biyanan ng biktima. Dali-daling tumakas ang suspek.

Ayon sa isa nilang kainuman nagkapikunan daw ang biktima at ang suspek na humantong sa pananaksak.

Isinugod ang biktima sa ospital.

Ayon sa barangay, marami na umanong asunto ang suspek sa kanilang tanggapan dahil sa iba-ibang krimen.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek. —LBG, GMA News