Sugatan ang isang person with disability o PWD matapos mahagip ng isang motorcycle rider sa Roxas Boulevard sa Maynila nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni Rod Vega ng Super Radyo dzBB sa Unang Balita, tinatahak ng biktima ang kahabaan ng Roxas Boulevard sa tapat ng US Embassy nang mabangga siya ng isang rider bandang 1 a.m.

Kinilala ang biktimang si Alex Lores, 65 anyos. Nakasakay siya sa wheelchair nang maganap ang insidente.

Ayon sa rider na si Joey Binay, hindi niya sinasadyang mahagip ang biktima dahil nakatingin siya sa traffic light.

Nagtamo ng sugat sa ulo si Lores na agad namang binigyan ng medikal na atensiyon ng rescue unit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).  —KBK, GMA News