Sugatan ang isang barangay chairman nang pagbabarilin siya sa labas ng kaniyang bahay ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Tonsuya, Malabon City umaga ng Sabado.

Sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo DZBB, kinilala ang biktima na si Filemon Villanueva, 68-anyos, kapitan ng nasabing barangay.

Sinabi ni Malabon Chief of Police Colonel Albert Barot na nangyari ang insidente pasado 9 a.m., kung saan nakaupo lamang sa labas ng bahay ang biktima sa C. Perez Street nang pagbabarilin siya ng salarin.

Matapos nito, tumakas ang suspek sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.

Naidala sa ospital ang barangay chairman na nagpapagaling matapos magtamo ng tama ng bala sa tiyan at binti.

Patuloy ang imbestigasyon ng Malabon Police sa pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang motibo nito sa pamamaril. —Jamil Santos/KG, GMA News