Isang lalaking substitute teacher ang inaresto ng mga tauhan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Hawaii dahil sa kasong child pornography. Inakusahan din siyang nakipagtalik sa isang 13-anyos na lalaking estudyante.

Sa bisa ng search warrant, nakuha ng FBI ang umano'y electronic devices ng 34-anyos na guro na naglalaman ng mga hubad na larawan at video ng kaniyang mga naging biktima.

Kabilang sa nakuha ang video ng pagkikipagtalik niya sa binatilyo na naging estudyante sa Oahu, Hawaii.

Sa pagtatanong umano ng FBI, sinasabing inamin ng suspek ang pakikipagtalik niya sa estudyante at pagkuha pa ng video.

Nabisto ang malaswang gawain ng suspek matapos ang isang "cybertip" na nakuha ng FBI kaugnay sa pamamahagi ng guro ng mga hubad na larawan gamit ang telegram application.

Kabilang sa mga napadalhan niya ng mga hubad na larawan ng mga kabataan ang isang private teacher sa Philadelphia na inaresto rin ng FBI.

Tatlong taon na umanong ginagawa ng suspek ang pamamahagi ng malalaswang larawan sa pamamagitan ng internet.

Bukod sa pagiging substitute teacher sa isang paaralan para sa high school students, napag-alaman na nagkaroon din siya ng partisipasyon sa school program na nasa ilalim ng Department of Navy sa joint base sa Pearl Harbor.

Kaya nagpalabas ng abiso ang Department of Navy na naghihikayat sa mga magulang ng mga estudyante na posibleng nabiktima rin ng suspek.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek na nakakulong ngayon at nakatakdang humarap sa preliminary hearing sa Federal Court sa June 27, 2022.

Wala pang pahayag ang suspek at ang pamunuan ang paaralan. -- Dave Llavanes Jr/FRJ, GMA News