Dead on arrival ang isang lalaki sa Santa Ana Hospital sa Maynila matapos masaksak sa dibdib sa kaniyang bahay pasado 7 p.m. nitong Martes.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, kinilala ang suspek na si Lilian Peberecio, kinakasama ni Emilyo Hismana.

Nagdilim umano ang paningin ng suspek matapos silang magkaroon ng pag-aaway na nauwi sa murahan.

“Pagtayo niya po napatayo rin ako kasi akala ko sasaktan niya ako eh. Nagulat ako may (nahawakan) akong kutsilyo doon sa may ibaba ng platuhan namin. Hindi ko naman akalain na ganun ang mangyayari talaga eh,” ani Peberecio.

Nagulat umano sa mga pangyayari ang suspek at nagsisisi na sa kaniyang nagawa.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang suspek at doon din siya kinumprunta ng mga kapatid ng biktima.

“Kung hindi ko pa nakitang duguan ‘yung kapatid ko, Lilian, ako pa ang humingi ng tulong sa mga tao. Sana man lang ikaw humingi ng tulong. Lagi mo na lang ginaganun si junjun (biktima), bakit dumating sa ganun?” tugon ni Emily Hismana.

Ayon din sa isa pang kapatid ng biktima, madalas umanong saktan ng suspek ang biktima tuwing sila ay nag-aaway.

“Minsan po kumukuha ng bote, pinapalo niya ng bote sa ulo. ‘Yung bote na nabasag hahawakan niya ‘yun minsan na parang ipangsusugat niya sa kapatid ko,” ani Edgardo Castro.

Minsan na rin daw na umabot sa barangay ang reklamo ng iba nilang kapatid dahil sa pag-aaway ng dalawa.

Sa selda naman nagpalipas ng gabi ang suspek habang hinihitnay ang kanyang inquest proceedings.

Pinag-uusapan na rin ng mga magkakapatid ang susunod nilang hakbang at ang isasampa nilang reklamo sa laban sa suspek. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News