Patay ang isang manlalaro habang dalawang nanonood ang sugatan nang mauwi sa pamamaril ang isang mainit na laban ng basketball sa Maynila, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Joseph Ariola, manager ng isa sa mga naglalabang koponan.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 137, makikitang nilapitan ni Ariola ang manlalaro ng kalabang koponan at nakipagtalo. Maya-maya pa ay bumunot na ng baril ang suspek at namaril.

Naisugod pa raw ang biktima sa ospital pero idineklara na itong dead on arrival. Samantala, nasa kustodiya na ng pulis si Ariola, na tumangging magsalita tungkol sa nangyari.

Fourth quarter at may tatlong minuto na lamang ang nalalabi sa laban nang maganap ang insidente. Naka-committee timeout ang laban bunsod ng isang hard foul.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —KBK, GMA News