Naaresto ng mga otoridad ang suspek sa pagpatay sa isang babae sa Malabon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules.

Malaki raw ang naitulong ng mga CCTV camera sa lugar para madakip ang suspek, na hindi muna pinangalanan sa ulat. Makikita raw dito na walang ibang pumasok sa bahay ng biktima kundi ang suspek.

Matatandaang wala ng buhay nang matagpuan ang biktimang si Lovely Anne Villagomez sa loob ng kaniyang inuupahang bahay sa Barangay Baritan sa Malabon.

May senyales daw na posibleng hinalay ang biktima bagama't hinihintay pa ng mga otoridad ang resulta ng medico legal.

Ayon sa mga pulis, lango sa alak ang suspek nang ginawa ang krimen.

Kuwento raw ng suspek, nakita niya ang biktima sa daan at sinundan niya ito pauwi. Pati raw ang alagang aso ng biktima ay napatay niya dahil nag-ingay ito.

Pinagsisisihan daw ng suspek ang kaniyang nagawa. —KBK, GMA News