May mga tama umano ng bala ng baril sa ulo at katawan ang dalawang lalaki at dalawang babae na nakitang patay sa loob ng isang sasakyan sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing batay sa pagtaya ng mga awtoridad, dalawa sa biktima ang nasa edad 30, habang 50 at 60 naman ang dalawang iba pa.

Nakita ang mga bangkay nitong Lunes ng madaling araw matapos mapansin ng isang residente na ilang oras na itong nakaparada sa lugar.

Mayroon umanong nakita apat na sachet ng shabu sa loob ng sasakyan.

Pero hinala ng mga awtoridad, inilagay lang sasakyan ang mga biktima. Wala rin umanong bakas ng dugo sa loob ng sasakyan taliwas sa naunang iniulat.

Isang lalaki naman ang kumikilala sa isa sa mga biktima na kaniyang ama.

Ang sasakyan na nakita ay minamaneho rin umano ng kaniyang ama nang magkita sila sa Quezon noong Agosto 17, na kaarawan ng biktima.

Ayon pa sa anak, umaalis ng Quezon ang kaniyang ama noong Agosto 19. Hindi raw niya alam kung papaano ito napunta sa Rizal.

Nanawagan siya na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang ama.--FRJ, GMA News